Friday, September 11, 2009

G-Clef

Sa taingang bingi di magpaparinig.
Sa pusong sarado ito’y magkukubli.
Buksan iyong isip,
puso, damdamin.
damhin ang awit na nakapaligid

madalas na bumibirit sa isip ko
ang mga tanong na minsa’y kay gugulo.

Konektado nga ba ang musikang yakap ko
sa biyahe ng bawat tao sa mundo?

anu ba ang musika ng lansangan?
anu ba ang nagbibigay tono sa daan?

may crescendo at decrescendo din ba sa lakbayin ng buhay?
saan ba matatagpuan G-clef ng paglalakbay?

Mahirap sabihin
Mahirap sagutin
Ang alam ko lang
Ako’y may dapat kantahin

Ngunit?
Paano ko kakantahin,
Paano ko aawitin…

awiting di ko pa kabisado
(makakabisado ko ba ito?)
awiting ako nga ang tono
(di ko naman gamay kung paano)
awiting di ako ang kondoktor
(wala naman akong reklamo).

Awiting titulo lang ang sigurado:
“Lakbayin ng Buhay Ko”

Paglalakbay ay awit
Awit ay paglalakbay
Kailangan lamang marunong kang sumabay.
Sumabay sa tipa at bawat kampay,
ng nag-iisang kondoktor ng buhay


di mahalaga kung alto o soprano
minsa’y nawawala rin sila sa tono
ang mga tenor at baho
marunong din namang masintunado

maaring lumiko ang landas,
maaring lumubak ang daan,
maaring mapaos at mahirapan ng kumanta,
maaring di na maabot notang matataas.

ang mga kasabayang manganganta
di sigurado kung magtatagal
ang mahalaga inyong napagsaluhang
ganda ng musika sa paglalayag

walang masama kung kokopya ng tono
basta’t sabay parin sa kumpas at ritmo
walang masama kung ang liriko’y liko liko
wala namang byaheng diretso

sa pag-abot sa bawat nota ng kanta
huwag hayaan makasapaw sa iba
mas may harmonya ang buhay
kung maglalakbay ng may kasama

ako ang musika.
ako ang tono.
tayo ang orchestra.
tayo ang koro.

di ko man makabisado ng mabilis.
di ko man magamay ng matulin.
ang mga mata ko’y titingin pa rin
sa kumpas ng kondoktor ng lakbayin

1 comment: